Nasunog ang isang unattended elf truck sa gilid ng national highway na nasasakupan ng Marasat Pequeño, San Mateo, Isabela kaninang madaling araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSSgt. Romel Gabia, imbestigador ng San Mateo Police Station, sinabi niya na una nang nasangkot sa aksidente ang nasabing truck bago ito masunog at iniwan muna ito ng may-ari sa lugar matapos ma-settle ang insidente.
Batay sa inisyal na pagsisiyasat, dahil sa pinsalang natamo ng harapang bahagi ng truck sa aksidente ay na-damage ang electrical component nito kaya maaaring nagkaroon short circuit dala na rin ng ilang mga pag-ulan na naranasan sa lugar.
Pinabulaanan naman nito ang pahayag ng ilan na sinadyang sinunog ang truck.
Naiparating na sa may-ari ang insidente at kumbinsido naman ito sa resulta ng imbestigasyon ng mga awtoridad.











