--Ads--

Masayang-masaya ngayon ang mga mamamayan ng United States matapos makapasok ang kanilang pambansang koponan sa Round of 16 ng 2026 FIFA World Cup matapos pataubin ang Bosnia and Herzegovina sa iskor na 2-0 sa Round of 32.

Nanguna sa panalo ng Estados Unidos sina Folarin Balogun at Malik Tillman na kapwa nakapagtala ng mga mahalagang goal upang matiyak ang pag-usad ng koponan sa susunod na yugto ng torneo. Sa kabila ng paglalaro na kulang ng isang manlalaro matapos mapatawan ng red card si Balogun sa ikalawang bahagi ng laban, nagawa pa ring mapanatili ng Amerika ang kanilang bentahe hanggang sa huling whistle ng referree.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Marissa Pascual, umaasa ngayon ang maraming residente na makararating ang kanilang koponan hanggang sa finals, lalo na’t isinasagawa ang World Cup sa kanilang sariling bansa kasama ang Canada at Mexico. Nakatakda namang harapin ng Estados Unidos ang Belgium sa Round of 16 sa Hulyo 6 sa Seattle sa isang laban na inaasahang magiging mahigpit at puno ng emosyon para sa mga tagasuporta ng magkabilang koponan.

Lalo pang tumindi ang kasabikan ng mga fans matapos maitala ang isa sa pinakamalaking audience para sa isang soccer match sa kasaysayan ng telebisyon sa Amerika, patunay ng lumalaking suporta ng publiko sa kanilang pambansang koponan habang nagpapatuloy ang kanilang kampanya para sa inaasam na kampeonato.

--Ads--

Dahil dito, kapansin-pansin din ang pagtaas ng demand para sa mga tiket ng mga susunod na laban ng USA, partikular para sa kanilang paghaharap kontra Belgium. Batay sa mga ulat, mabilis na nauubos ang mga available na seats sa mga ticketing platform habang patuloy na tumataas ang presyo ng mga tiket bunsod ng matinding interes ng mga manonood.

Inaasahan namang magpapatuloy ang pagdagsa ng mga fans sa mga stadium habang lumalalim ang kampanya ng Estados Unidos sa torneo at tumitindi ang pag-asang makapag-uwi ito ng kauna-unahang FIFA World Cup title sa kasaysayan ng bansa.