Target ng Department of Agriculture (DA) na mapababa sa P47 hanggang P50 kada kilo ang presyo ng lokal na bigas sa mga susunod na buwan dahil sa inaasahang pagdami ng suplay kasabay ng nalalapit na panahon ng anihan.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., sapat ang suplay ng bigas sa bansa at inaasahang mananatiling matatag hanggang sa katapusan ng taon. Aniya, magsisimula na ang anihan sa ilang lugar pagsapit ng Setyembre habang kasagsagan nito ang Oktubre hanggang Disyembre.
Sinabi rin ng kalihim na mas handa na ngayon ang National Food Authority (NFA) na bumili ng palay mula sa mga magsasaka dahil may sapat na espasyo na ang kanilang mga bodega para tumanggap ng karagdagang 500,000 metriko toneladang palay.
Samantala, maaaring pansamantalang tumaas ang presyo ng ilang high-value vegetables dahil sa malalakas na pag-ulan, ngunit inaasahang babalik agad sa normal ang presyo makalipas lamang ang ilang araw hanggang isang linggo. Habang nananatili namang matatag ang presyo ng isda at karne ng baboy.










