--Ads--

Nagbabala ang Department of Public Safety (DPOS) ng Santiago City sa mga tricycle driver at franchise holder laban sa paniningil ng labis na pasahe sa mga pasahero.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Modesto Cabanos III, hepe ng DPOS Santiago City, sinabi nitong maaaring mauwi sa pagkakansela o revocation ng prangkisa ang paulit-ulit na reklamo ng overcharging laban sa isang tricycle driver o franchise holder.

Ayon kay Cabanos, maaaring umabot sa revocation ng prangkisa kapag nakapagtala ng tatlong reklamo ng overcharging laban sa isang tricycle.

Kapag nakansela naman ang prangkisa, hindi na rin umano maaaring muling mag-apply para sa panibagong prangkisa ang nasabing franchise holder.

--Ads--

Dahil dito, hinimok ni Cabanos ang mga commuter at pasahero na kunin o itala ang franchise number o body numberng tricycle sakaling makaranas ng paniningil ng labis na pasahe.

Sinabi rin ni Cabanos na nagsasagawa ang kanilang tanggapan ng apprehension laban sa mga tricycle driver kapag may natatanggap na reklamo kaugnay ng overcharging.

Gayunman, ipinaliwanag niya na mahalaga ang aktwal na reklamo mula sa pasahero dahil dito nagkakaroon ng batayan ang DPOS upang magsagawa ng imbestigasyon, apprehension at iba pang kaukulang hakbang.

Aniya, hindi agad matutukoy ng mga awtoridad kung may naganap na paglabag kung walang pasaherong magsusumbong o magrereklamo, lalo na kung nauuwi lamang sa hindi pagkakaunawaan ang usapin sa pagitan ng driver at pasahero.

Muling pinaalalahanan ng DPOS ang mga tricycle driver na sundin ang itinakdang pamasahe at iwasang maningil nang higit sa nararapat upang hindi maharap sa reklamo at posibleng pagkawala ng kanilang prangkisa.