--Ads--

Mahigpit na binabantayan ng mga awtoridad ang mga malalaking sasakyan na bumibiyahe sa mga lansangan sa Isabela, partikular ang mga may hindi maayos na pagkakasecure na kargamento at mga overloaded na sasakyan na maaaring magdulot ng panganib sa iba pang motorista.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Renoli Bagayao, Provincial Officer ng Isabela Provincial Highway Patrol Group, sinabi nitong agad na sinisita at inaaksyunan ng mga awtoridad ang mga sasakyang napapansing may kargamentong hindi maayos ang pagkakakarga o maaaring mahulog habang bumibiyahe.

Bahagi ito ng regular na checkpoint operations ng mga otoridad upang matiyak ang pagsunod ng mga malalaking sasakyan sa umiiral na traffic regulations at iba pang lokal na ordinansa na may kaugnayan sa kaligtasan sa kalsada.

Kabilang sa mga tinututukan ang mga dump truck at iba pang heavy vehicles na nagdadala ng buhangin, bato, basura, bakal at iba pang materyales, lalo na kung walang sapat na takip o maayos na pagkakasecure ang kanilang kargamento.

--Ads--

Maaaring aniyang mahulog sa kalsada ang mga naturang kargamento at maging sanhi ng aksidente, partikular sa mga motorista at iba pang road users na dumaraan sa nasabing lugar.

Binibigyang-pansin din ng mga awtoridad ang mga sasakyang may sobrang karga o overloaded na lumalabag sa mga umiiral na batas at regulasyon sa pagbibiyahe sa mga pampublikong lansangan.

Sa oras na matukoy ang anumang paglabag sa checkpoint operations, maaaring isailalim sa kaukulang apprehension at patawan ng traffic violation ang driver o operator, depende sa uri ng paglabag.

Dahil dito, nanawagan ang mga otoridad sa mga driver at operator ng heavy vehicles na tiyaking maayos at ligtas ang pagkakakarga at pagkakasecure ng kanilang mga materyales bago bumiyahe upang maiwasan ang mga aksidente at maprotektahan ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada.