--Ads--

Inaasahang muling bababa ang presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa sa susunod na linggo, batay sa paunang pagtaya ng mga source mula sa oil industry.

Posibleng bumaba ng P4 hanggang P5 kada litro ang presyo ng diesel, habang P3 hanggang P4 kada litro naman sa gasolina.

Batay ang pagtataya sa galaw ng Mean of Platts Singapore (MOPS) at palitan ng piso kontra dolyar sa nakalipas na apat na araw.

Ayon sa oil industry source, patuloy na nakaaapekto sa pagbaba ng presyo ang mga positibong balita sa diplomasya, bagama’t nananatili ang pangamba sa suplay ng langis dahil sa mga pag-atake sa energy infrastructure ng Saudi Arabia at mga banta sa paglalayag sa Strait of Hormuz.

--Ads--

Inaasahang iaanunsiyo ng mga kumpanya ng langis sa Lunes ang opisyal na pagbabago sa presyo na ipatutupad sa Martes.

Matatandaang ngayong linggo, nagpatupad ng malakihang rollback na P16.80 kada litro sa gasolina, P4.10 sa diesel at P3.70 sa kerosene.