Nakapagtala ng net outflow na 4.74 billion dollars ang foreign portfolio investments o “hot money” sa Pilipinas sa unang siyam na buwan ng 2026, kabaligtaran sa 3.55 billion dollars na net inflow sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Batay sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), nangangahulugan itong mas maraming dayuhang mamumuhunan ang naglabas ng kanilang pondo kaysa nagpasok ng bagong investments sa bansa.
Ayon kay Ruben Carlo Asuncion, Chief Economist ng Union Bank of the Philippines, kabilang sa mga dahilan nito ang paghina ng ekonomiya, mataas na inflation, paghina ng piso laban sa dolyar at pananaw sa posibleng pagtaas ng interest rates.
Noong Setyembre, umabot sa 489 million dollars ang net outflow ng hot money, kasunod ng 315 million dollars noong Agosto.
Ayon kay Asuncion, posibleng manatiling pabagu-bago ang pagpasok at paglabas ng foreign investments sa bansa hangga’t hindi bumibilis ang paglago ng ekonomiya, bumababa ang inflation at nagiging matatag ang halaga ng piso.











