--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang ama habang sugatan naman ang dalawa niyang anak na menor de edad matapos na araruhin ng isang SUV ang kanilang Tricycle at isa pang motorsiklo sa Barangay Castillo, Echague, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rogelio Natividad Hepe ng Echague Police Station sinabi niya na nakaparada sa gilid ng daan ang tricycle na minamaneho ng biktimang si Romuel Chris Borromeo habang nasa loob naman ang dalawa niyang anak na edad pito at dalawa dahil kinukumpuni ang clutch nito nang bigla silang salpukin ng SUV.

Ayon sa pagsisiyasat ng Echague Police Staion unang nabanga ng SUV na minamaneho ni Joshua Dario Go ang isang motorsiklo na biglang lumiko patungo sa isang gasolinahan.

Dahil dito ay nawalan na ng control sa manibela si Go at inararo ang dalawang tricycle na nasa gilid ng kalsada kasama ang tricycle na kinalululanan ng mga biktima.

--Ads--

Nakaladkad ng ilang metro ang tricycle at sinubukan ni Borromeo na iligtas ang dalawang anak subalit maging siya ay nakaladkad ng SUV.

Nagtamo ang biktima ng malubhang sugat sa katawan habang nagtamo ng ilang galos at bali ang kanyang mga anak na dinala sa isang pagamutan subalit idineklarang dead on arrival si Borromeo.

Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng Echague Police Station ang driver ng SUV para sa kaukulang disposisyon.