Patuloy ang pagtanggap ng aplikasyon para sa Persons with Disability (PWD) Identification Card sa Santiago City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Noradel Tad-O, Officer-in-Charge ng PDAO Santiago City, sinabi nito na malaking tulong ang pagkakaroon ng PWD ID lalo na sa mga lehitimong may kapansanan dahil sa mga pribilehiyo at karapatang kaakibat nito.
Ayon sa kanya, kabilang sa mga benepisyo ang dalawampung porsiyentong diskuwento sa pagbili ng mga gamot, pagpapa-ospital, at maging sa ilang serbisyong medikal. Mayroon ding diskuwento sa transportasyon at maging sa pagbili ng mga piling produkto sa mga establisimyento gaya ng grocery stores.
Ipinaliwanag din ni Tad-o na may bisa ang PWD ID sa loob ng limang taon bago ito kailangang i-renew.
Para naman sa mga nagnanais mag-apply, sinabi ni Tad-O na kinakailangang magsumite ng medical certificate mula sa isang espesyalista. Kung hindi malinaw na nakasaad sa medical certificate ang uri ng kapansanan, kinakailangan umanong kumuha ng certificate of disability mula sa City Health Office.
Ang City Health Office ang magsasagawa ng assessment upang matukoy kung ang kondisyon ng aplikante ay maituturing na kapansanan o disability. Sila rin ang magtatakda kung anong uri ng kapansanan ang ilalagay sa PWD ID.
Hinihikayat ng PDAO ang mga kwalipikadong residente na magtungo sa kanilang tanggapan upang makapag-apply at makuha ang mga benepisyong nakalaan para sa mga persons with disability.











