--Ads--

Isinugod sa ospital ang isang 13-anyos na binatilyo matapos masugatan sa ulo nang madamay sa rambulan ng dalawang grupo ng kabataan sa Barangay Mabini bandang alas-9 ng gabi.

Batay sa kuha ng CCTV sa lugar, makikitang nagkaroon ng kaguluhan kung saan pinagtulungang hampasin ng ilang kabataan gamit ang baseball bat ang isang nakaparadang tricycle sa gitna ng insidente.

Naiwan umano sa loob ng tricycle ang menor de edad matapos magsitakbuhan ang iba pang sangkot sa rambulan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Sarah Jane Santos, sinabi nito na hindi umano ang 13-anyos ang target ng pananakit.

--Ads--

Ayon sa kanya, ang mga nagrambulan ang hinahabol ng kabilang grupo.

Subalit nang makatakbo ang mga ito, ang naiwang tricycle ang napagbalingan ng galit at pinaghampas. Posible umanong nakasandal o malapit ang biktima sa bahaging pinapalo kaya ito tinamaan sa ulo.

Dahil sa tinamong pinsala, nabasag umano ang bungo ang binatilyo na agad dinala sa ospital at isinailalim sa operasyon.

Naghahanda na rin umano ng blotter report ang pamunuan ng barangay sa himpilan ng pulisya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang ugat ng rambulan at ang mga responsable sa insidente.

Nanawagan naman ang barangay sa mga magulang na mas paigtingin ang pagbabantay sa kanilang mga anak upang maiwasan ang kahalintulad na insidente sa hinaharap.