Sa huling pagkakataon ay magtutuos ang nagdedepensang Creamline at karibal na Petro Gazz.
Ang makumpleto ang ‘five-peat’ para sa ika-11 korona ang hangad ng Cool Smashers, habang ang pangatlong titulo ang puntirya ng Gazz Angels.
Ngayong alas-7 ng gabi ang ‘winner-take-all’ Game Three ng Creamline at Petro Gazz para sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference gold medal sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Matapos umeskapo ang Gazz Angels sa Game One, ay rumesbak naman ang Cool Smashers sa Game Two, para itabla sa 1-1 ang kanilang best-of-three championship series.
Muling makakatuwang ni Galanza sina Bernadeth Pons, Michele Gumabao, Alyssa Valdez, Tots Carlos, Pangs Panaga, Bea De Leon at Kyle Negrito.
Sina Fil-Ams Brooke Van Sickle at MJ Phillips ang isasagupa ng Petro Gazz katulong sina Myla Pablo, Jonah Sabete, Aiza Maizo-Pontillas at Chie Saet.
Inaasahang isasagad na ng Cool Smashers at Gazz Angels ang lahat ng kanilang lakas sa pagtatapos ng six-month conference.
Sa unang laro sa alas-3 ng hapon ay pag-aagawan ng Choco Mucho at Akari ang bronze medal matapos magtabla sa 1-1 sa sarili nilang serye.