CAUAYAN CITY – Kulong ang isang dating kapitan matapos siyang magpositibo sa isinagawang drug buy-bust operation ng mga otoridad sa Brgy. Abiangan, Bambang, Nueva Vizcaya.
Ang naaresto ay si Glenn Ypear, limamput pitong taong gulang, dating barangay kapitan, at residente ng Brgy. Calaocan, Bambang, Nueva Vizcaya.
Nabili sa kanya ng pulis na nagpanggap na buyer ang sampung maliliit na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Nang kapkapan ay nakita din sa kanyang pag-iingat ang pitong plastic sachet na naglalaman din ng hinihinalang shabu.
Sa kabuuan ay aabot sa humigit tatlong gramo ang kabuuang timbang nang nakuhang hinihinalang shabu sa suspek na nagkakahalaga ng 22,780 pesos.
Ayon sa pulisya nasangkot na rin noon ang dating kapitan sa ipinagbabawal na gamot.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Bambang Police Station ang suspek kung saan ay inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002 na isasampa laban sa kanya.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya kung posibleng miyembro siya ng mas malaking grupo ng sindikato at kung saan galing ang kanyang ibinibentang hinihinalang shabu.











