Iginiit ng Makabayan bloc na ang gaganaping rally sa EDSA sa Pebrero 25 ay hindi lamang laban kay Pangulong Bongbong Marcos kundi maging kay VP Sara Duterte at iba pang opisyal na umano’y sangkot sa katiwalian.
Sa isang pahayag, sinabi ng Makabayan na layunin ng mobilisasyon na papanagutin ang lahat ng opisyal na anila’y naging bahagi ng korapsyon sa pamahalaan. Kabilang sa grupo ang mga kinatawang sina Antonio Tinio ng ACT Teachers Party-list, Sarah Jane Elago ng Gabriela Party-list, at Renee Louise Co ng Kabataan Party-list.
Ayon sa kanila, nakabatay sa mga dokumentadong ebidensya ang inihain nilang impeachment complaints laban kina Marcos at Duterte dahil sa umano’y paglabag sa tiwala ng publiko.
Inakusahan din ng grupo ang administrasyon ni Marcos ng sistematikong korapsyon, kabilang ang umano’y kwestyonableng budget realignments, unprogrammed appropriations, at nawawalang pondo ng pamahalaan. Iginiit nila na dapat umanong sagutin ng Malacañang ang mga alegasyong ito.
Kinondena rin ng Makabayan ang pagdedeklara sa harap ng EDSA Shrine bilang “no rally zone,” na anila’y paglabag sa karapatan ng mamamayan sa malayang pagtitipon at pagpapahayag.
Nanawagan ang grupo sa publiko na makiisa sa rally sa Pebrero 25 upang ipahayag ang kanilang saloobin kaugnay ng umano’y patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, mababang sahod, at iba pang suliraning panlipunan.











