--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang 14-anyos na estudyante at sugatan naman ang dalawang batang kasama nito sa banggaan ng kolong-kolong at SUV sa Daligan, Jones, Isabela kagabi.

Ang nasawi ay ang tsuper ng kolong-kolong na si Mark Jayson Bangloy, 14-anyos, estudyante habang sugatan naman ang dalawang kasama nito na sina Nathaniel, 9-anyos at Kairuz, 4-anyos at pawang mga residente ng naturang barangay.

Ang tsuper naman ng SUV ay si Donilo Lotino, 51-anyos, may-asawa, negosyante at residente ng Usol, Jones, Isabela.

Sa imbestigasyon ng Jones Police Station, binabagtas ng SUV ang kalsada papunta sa silangang direksyon partikular sa forest region habang ang kolong-kolong ay patungo sa kanlurang direksyon partikular sa Jones Public Market nang magkasalpukan sa kalsada na bahagi ng Brgy. Daligan.

--Ads--

Sa lakas ng salpukan ay halos mawasak ang harapan ng SUV at nagdire-diretso sa poste sa tabi ng kalsada habang nayupi naman ang kolong-kolong.

Nagtamo ng malubhang pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang driver ng kolong-kolong at sinubukan pa siyang itakbo sa pagamutan subalit idineklara ng dead on arrival ng kanyang attending physician.

Sugatan din ang dalawang batang sakay ng kolong-kolong maging ang tsuper ng SUV.

Mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide Multiple Serious Physical at Damage to Property ang tsuper ng SUV.