--Ads--

Magbibigay ng fuel subsidy ang pamahalaang panlalawigan ng Nueva Vizcaya sa mga tricycle drivers upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Jose Gambito ng Nueva Vizcaya, sinabi nitong dinagdagan niya ang pondo para sa fuel subsidy mula ₱18 milyon hanggang umabot sa ₱33 milyon upang matulungan ang mga driver na kabilang sa pinakaunang naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng gasolina.

Ayon sa gobernador, target na maipamahagi ang naturang tulong sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo, at nakahanda na rin ang kanilang database ng mga benepisyaryo dahil nakapagbigay na rin sila ng kaparehong tulong sa mga tricycle drivers noon.

Tinatayang mahigit 10,000 tricycle drivers na miyembro ng iba’t ibang TODA sa 15 munisipalidad ng lalawigan ang inaasahang makikinabang sa naturang programa.

Kabilang din sa maaaring mabigyan ng tulong ang ilang “abal-abal” drivers o mga single motorcycle na ginagamit bilang pampasada sa mga kabundukan kung saan hindi kayang akyatin ng mga tricycle.

--Ads--

Samantala, pinaigting na rin ng pamahalaang panlalawigan ang price monitoring sa mga prime commodities at produktong petrolyo upang maiwasan ang posibleng overpricing sa gitna ng pagtaas ng presyo ng fuel.

Ayon kay Governor Gambito, bagamat hindi nila ganap na mapipigilan ang pagtaas ng presyo dahil sa epekto ng pandaigdigang sitwasyon tulad ng tensyon sa Middle East, layunin ng kanilang hakbang na maprotektahan ang mga mamimili laban sa labis na patong sa presyo ng mga bilihin sa lalawigan.