Umani ng magkakaibang reaksyon mula sa ilang senador ang pagdedeklara ni VP Sara Duterte ng kanyang planong tumakbo sa pagkapangulo sa 2028 national elections.
Ayon kay Sen. Bong Go, sinusuportahan niya ang posibleng kandidatura ni Duterte dahil pareho umano ang kanilang layunin na maibalik sa normal ang pamumuhay ng mga Pilipino.
Samantala, sinabi ni Sen. Erwin Tulfo na malaya ang sinuman na ihayag ang kanilang plano sa halalan, ngunit tumanggi siyang magbigay ng opinyon kung maaga ba ang anunsyo.
Para naman kay Sen. Sherwin Gatchalian, walang masama sa naturang deklarasyon dahil karapatan ng bawat isa ang tumakbo sa posisyong sa tingin nila’y makatutulong sa bansa. Nang matanong kung ikinukunsidera niyang tumakbong bise presidente sa 2028, sinabi niyang wala pa siyang ganitong plano at nakatuon muna siya sa kanyang kasalukuyang tungkulin.











