CAUAYAN CITY – Isa ang patay habang isa rin ang nasugatan matapos bumangga ang isang motorsiklo sa nakaparadang trailer truck sa Busilac, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Ar-jay Nabban, Deputy Chief of Police ng Bayombong Police Station, sinabi niya na kakaparada lamang ng trailer truck sa lugar at titignan sana ng driver ang gulong ng sasakyan nang biglang makarinig sila ng lagabog sa likurang bahagi ng truck.
Naka-hazard naman aniya ang trailer truck subalit bumangga pa rin ang motorsiklo.
Agad dinala ang mga sakay ng motorsiklo sa pagamutan subalit idineklarang dead on arrival ang driver habang nagpapagaling pa ang back rider nito.
Batay sa kanilang imbestigasyon galing sa birthday party ang mga sakay ng motorsiklo at pauwi na sana ng maganap ang aksidente.











