CAUAYAN CITY – Patay ang isang lalaki matapos maipit sa karambola ng mga sasakyan ang minamaneho niyang kolong-kolong sa national highway na bahagi ng Brgy. Caquilingan, Cordon, Isabela.
Ang nasawi ay ang driver ng kolong-kolong na si Benie Garcia, kuwarenta’y sais anyos, at residente ng Villamiemban, Cordon, Isabela.
Nagtamo naman ng sugat ang kanyang angkas na si Marites Garcia, kuwarenta’y quatro anyos, at kapwa residente ng Brgy. Villamiemban.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan napag-alaman na pare-parehong paounta sa bayan ng Diadi ang kolong-kolong, Hi Ace Van at L300 kung saan magkakasunod ang tatlo habang ang truck naman ay patungo sa sentro ng Cordon, Isabela.
Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay sinubukan umanong i-overtake ng van ang kolong-kolong subalit nang mapansin ng driver na paparating ang truck ay sinubukan umano niyang bumalik sa kanyang dating linya.
Subalit pagbalik umano ng van ay nahagip ang kolong-kolong dahilan kaya’t muling nalipat ang van sa kabilang linya at nasalpok ang paparating na truck at nadamay din ang sumusunod na L300.
Sa lakas nang pagbangga ay nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang dalawang sakay ng kolong-kolong at sinubukan pa silang itakbo sa pagamutan ng mga rumespondeng rescuer subalit idineklara nang dead on arrival ang driver ng kolong-kolong habang patuloy namang inoobserbahan ang kanyang angkas.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Cordon Police Station ang iba pang mga sangkot na driver habang patuloy naman ang imbestigasyon sa pangyayari.











