CAUAYAN CITY – Patuloy ang pagsisikap ng Isabela Police Provincial Office o IPPO na mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa buong Lalawigan ng Isabela.
Sa isang punong balitaan inilatag at ibinahagi ng Provincial Director ng IPPO na si PCol. Lee Allen Bauding ang mga programa at plano para sa pagpapanatili ng kaayusan sa Lalawigan ng Isabela.
Inihayag ni Pcol. Bauding ang kaniyang pagnanais na mas maging aktibo ang buong hanay ng IPPO lalo na sa pagpapanatili ng peace and order sa kanilang nasasakupan para mapababa ang kriminalidad.
Bahagi ng kanilang programa ang Kabataan Kontra Droga at Terorismo o KKDAT na may layuning mailayo ang mga kabataan at hindi masangkot sa iligal na droga at hindi mapabilang sa makakaliwang grupo.
Paunang hakbang para mapukaw ang atensyon ng mga kabataan ay ang inilunsad na I Run for Labb na susundan pa ng Sports Fest.
Pangunahin aniyang layunin nito ay upang mailayo ang kabataan sa droga at terorismo.
Ito ay dahil na rin makailang ulit na panlilinlang ng Communist Terrorist Groups sa mga kabataan na siyang sumasayang sa kanilang kinabukasan.
Samantala, muli naman niyang ipinaalala sa mga kasapi ng IPPO ang kanilang mandato bilang mga Public Servant at anuman ang kanilang ginagawa ay kumakatawan sa buong hanay ng Philippine National Police.
Babala pa niya na sino mang pulis na magkakaroon ng paglabag ay tiyak na paparusahan.
Dagdag pa niya na tanging hangarin niya sa lahat ng mga units na kaniyang nahawakan ay transparency para sa mga aktibidad at polisiya ng bawat unit ng Isabela Police Provincial Office.











