--Ads--

CAUAYAN CITY – Nanawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kamag-anak ng Overseas Filipino Worker (OFW) na nasawi sa pagsabog sa Lebanon na maiuwi nang buo ang kanyang bangkay at huwag i-cremate para makita pa nila sa huling sandali.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Lita Clavo ng Nungnungan, Cauayan City, tiyahin ni Perlita Guillermo Mendoza na nasawi sa pagsabog sa Lebanon, sinabi niya na sa Bombo Radyo nila nalaman ang nangyari sa kanyang pamangkin.

Dahil dito, personal silang nagtungo sa Bombo Radyo Cauayan para humingi ng tulong kung paano ang kanilang gagawin.

Ayon kay Ginang Clavo, siya ang tumayong nanay ni Perlita dahil tatlong taong gulang pa lamang siya nang pinatay ang kanyang ama at sinundan ito ng pagkamatay ng kanyang ina.

--Ads--

Hiling nila sa pamahalaan na sana ay maiuwi nang buo ang katawan ng kanyang pamangkin dahil gusto nilang makita sa huling pagkakataon at mapaglamayan.

Ang pahayag ni Gng. Lita Clavo.

Samantala, ganito rin ang hiling ng pinsan sa panig ng ama ni Gng. Mendoza na si Ginang Elizabeth Guillermo Jacob ng Rosario, Santiago City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Jacob, sinabi niya na nang malaman niya ang nangyari sa Lebanon ay agad niyang kinontak ang pinsan ni Mendoza sa panig ng kanyang ina sa Cauayan City para kumustahin ang kalagayan nito.

Alas tres kahapon nang tumawag siya at sinabing wala na si Perlita dahil isa siya sa mga nasawi sa pagsabog.

Sinabi ni Ginang Jacob na noong Mayo 2020 ay nagsabi ang kanyang pinsan na gusto na niyang umuwi lalo na nang mapag-alamang positibo sa COVID-19 ang kanyang mga amo.

Aniya, nakalulungkot dahil nalusutan niya ang COVID-19 subalit nasawi naman siya sa pagsabog sa Lebanon.

Ang pahayag ni Gng. Elizabeth Jacob.