CAUAYAN CITY – Kulong ang isang lalaki matapos ireklamo ng kanyang mga kapamilya dahil sa paggamit ng shabu sa kanilang mismong pamamahay sa Brgy. Lacnog Centro Proper, Tabuk City, Kalinga.
Ang hinuli ay si Cyrus Alngad, nasa wastong gulang, binata, walang trabaho at residente ng nabanggit na barangay.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Tabuk City Police Station napag-alaman na naaktuhan ng mga magulang ng suspek na gumagamit siya ng hinihinalang shabu sa loob ng kanyang kuwarto.
Dahil dito ay nagdesisyon ang mga kamag-anak ng suspek na humingi ng tulong sa mga pulis na kaagad namang rumesponde sa lugar.
Ayon sa pulisya nakita sa loob ng kwarto ng lalaki ang isang piraso ng plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at iba pang drug paraphernalia.
Nasa kustodiya naman ngayon ng Tabuk City Police Station ang suspek at siya ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002.











