--Ads--

CAUAYAN CITY – Sugatan ang isang lalaki matapos itong saksakin sa mukha ng nakainuman sa Brgy. Siguem, Kasibu, Nueva Vizcaya.

Kinilala ang biktima na si Marlon Parayao, tatlumput isang taong gulang, isang aircon technician habang ang suspek ay si Dino Bausel, tatlumput siyam na taong gulang, tsuper na pawang residente ng nasabing barangay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Jonathan Flores, Deputy Chief of Police ng Kasibu Police Station sinabi niya na nakatanggap sila ng tawag mula sa isang ospital patungkol sa kaso ng pananaksak.

Sa pamamagitan ng kanilang isinagawang pagsisiyasat, nagtungo umano ang suspek sa bahay ng biktima na nooy nasa impluwensya na ng nakalalasing na inumin at doon inaya ang biktima na uminom ng alak kasama ang iba pa.

--Ads--

Habang kasalukuyang nag-iinuman ay nagkasagutan ang dalawa hanggang sa magkasakitan at maglabas ng kutsilyo ang suspek na agad inundayan ng saksak ang biktima.

Tinamaan sa mukha ang biktima partikular sa kanang bahagi ng pisnge ng biktima na halos malapit na sa mata nito.

Agad namang naawat ang dalawa at dinala sa pagamutan ang biktima habang ang suspek ay inaresto ng mga rumespondeng kasapi ng Kaibu Police Station

Nagkaroon naman ng pag-uusap ang dalawang panig na malapit ding magkakamag-anak at nagfile na lamang sila ng affidavit of disinterest upang hindi na matuloy ang kaso.

Aniya pinagmulta na lamang ang suspek ng isang baboy bilang danyos sa nagawa nito sa kanyang kamag-anak.

Pinaalalahanan naman niya nag publiko na hinay-hinay lamang sa pag-inom ng alak upang maiwasan ang ganitong pangyayari.