Nasugatan ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng nakaalitan habang nagsusugal sa isang lamayan sa Brgy. Pinoma, Cauayan City.
Kinilala ang biktima na si Rodel Taeza residente ng Purok 5, Naganacan, Cauayan City habang ang suspek ay si Tunawe Aquino Bala na residente naman ng Nungnungan Uno, Cauayan City.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya kasalukuyang naglalaro ng Lucky 9 ang suspek at biktima na dumayo lamang sa lamayan nang magkaroon sila ng mainitang pagtatalo.
Dahil dito ay pinagbabaril ng suspek ang biktima ng tatlong beses na tinamaan sa baba at balikat.
Matapos ang pamamaril ay agad na tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo habang ang biktima ay dinala sa pribadong pagamutan sa lungsod.
Patuloy naman ang isinasagawang hot pursuit operation ng Cauayan City Police Station para sa agarang pagkadarakip ng pinaghihinalaan.
Samantala sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan sa pamilya ng biktima, desidido silang magsampa ng kaso laban sa namaril sa kanilang kapamilya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Vanessa Taeza, kapatid ng biktima, sinabi niya na hindi nila papalampasin ang ginawa ng suspek sa kaniyang kapatid dahil hindi umano ito makatao.
Aniya, nakikipag-uganayan na sila sa pulisya para sa pagsasampa ng kaso dahil sa ngayon ay kritikal pa din ang kalagayan ng kaniyang kapatid.
Nanawagan naman siya suspek na lumantad na dahil hindi siya panghabambuhay na makakatakas sa batas.
Samantala sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Arcadio Ramos, nakasaksi sa pangyayari, sinabi niya na naglalaro ng Lucky 9 ang suspek nang biglang dumating ang biktima na medyo lasing.
Sinakal umano ng biktima ang suspek at dito na nagsimula ang komosyon na nauwi sa pamamaril ng suspek.
Samantala, ikinalungkot naman ng punong barangay ng Pinoma ang insidente lalo na at kapwa mga dayuhan ang mga sangkot.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Brgy. Captain Romeo Gallema, sinabi niya na maghihigpit na sila sa pagbabantay sa kanilang Brgy. upang masiguro na hindi na maulit pa ang pangyayari.
Nagpaalala naman siya sa lahat na matutong kontrolin ang galit upang hindi magdulot ng mga hindi kanais nais na pangyayari.











