Ipinag-utos ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang pagsisiyasat sa 40 district offices matapos matanggap ang intelligence reports tungkol sa iligal na paglilipat ng pagmamay-ari ng nakumpiskang mga sasakyan.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), ang naturang ilegal na aktibidad ay maituturing na technical carnapping.
Inihayag ni Mendoza na maglalabas siya ng show cause order upang pagpaliwanagin ang mga opisyal na sangkot.
Sa patuloy na koordinasyon ng LTO at pulisya, natukoy na ilang district offices ang iligal na nagpoproseso ng Cancellation of Transfer of Ownership at Duplication of Certificates of Registration, na nagagamit sa pagpapatunay ng ilegal na transaksyon.
Ipinaalam na ni Mendoza kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon ang modus, at ipinag-utos nitong magsampa ng airtight na kriminal at administratibong kaso laban sa mga nasa likod ng aktibidad.
Batay sa datos ng LTO, karamihan sa mga iligal na kaso ay naganap sa CARAGA Region (15 insidente), kasunod ng Rehiyon 9 (8 insidente), at iba pang rehiyon. Natukoy na rin ang 40 sasakyang sangkot sa kaso, at inihahanda ang show cause orders para sa bagong rehistradong may-ari ng mga ito.
Iginiit niya na hindi pahihintulutan ang paggamit ng LTO sa anumang ilegal na operasyon.