Hinikayat ng Malakanyang ang mga opisyal ng Pilipinas at ng Chinese Embassy sa Maynila na pakalmahin ang tensyon sa usapin ng West Philippine Sea.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, ang pagbaba ng tensyon sa pagitan ng China at Pilipinas ay hindi dapat manggaling sa iisang bansa lamang. Dapat ay parehong magpakita ng konsiderasyon para sa maayos at magalang na pag-uusap ang dalawang bansa upang maitaguyod ang mutual respect.
Nauna rito, napaulat na ilang mambabatas ang nagmungkahi na palitan si Chinese Ambassador Jing Quan dahil umano sa pagdagdag ng tensyon sa WPS. Nagbabala naman ang Chinese Embassy sa Maynila na ang pag-target sa mga diplomat nito ay maaaring makaapekto sa ugnayang pang-ekonomiya at magdulot ng pagkawala ng milyong trabaho para sa mga Pilipino.
Ang pahayag ng China ay kasabay ng lumalalang tensyon sa pagitan ng Beijing at mga mambabatas hinggil sa patuloy na isyu sa West Philippine Sea. Muling binigyang-diin ni Castro ang pagtanggi ng Pangulo na ideklarang persona non grata ang Chinese diplomat o i-recall ang ambassador.
Ayon kay Ji Lingpeng, tagapagsalita ng Chinese Embassy sa Pilipinas, hindi bahagi ng opsiyon ng Tsina ang pagpataw ng sanction sa ilang opisyal ng Pilipinas na patuloy na tumutuligsa sa embahada. May kalayaan ang mga mambabatas na ipahayag ang kanilang saloobin, at may karapatan din ang embahada na sagutin ang mga pambabatikos.
Ginawa ang pahayag kasunod ng mga suhestiyon na ipatupad ang travel ban sa China, Macao, at Hong Kong para sa mga mambabatas na patuloy na kritikal sa mga hakbang ng China sa West Philippine Sea.











