
CAUAYAN CITY – Marami ng pamilya sa Sylhet District sa bansang Bangladesh ang patuloy na inililikas dahil sa nararanasang malawakang pagbaha.
Inihayag nina Bombo International News Correspondents Charisse Atawon at Winnie Adraneda ng Bangladesh na hindi inasahan ang biglaang pagtaas ng tubig baha dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng sama ng panahon sa ilang bahagi ng bansa partikular sa Gowainghat subdistrict ng Sylhet District.
Ayon kay Atawon, mababakas pa rin ang malubhang epekto ng dumaang kalamidad dahil patuloy pa ring nakakaranas ng mahihinang pag-ulan sa naturang lugar.
Aniya, ang pagbaha ay dulot ng dalawa hanggang tatlong araw na tuloy-tuloy na pag-ulan.
Nagbibigay na ng ayuda ang pamahalaan para sa mga pamilyang na-stranded sa kanilang mga bahay.
Bagamat bahagyang humuhupa na ang tubig baha sa ilang daan ay may ilang lugar pa ring nanatiling nakalubog sa tubig baha.
Dahil dito ay may ilan na ring nagkakasakit ng pagdudumi habang nasa mahigit isang daan na ang namatay at ang ilan ay nasawi sa pagkalunod.
Mayroon ding grupo ng mga Filipino ang nakahanda na tumulong sa mga kapwa Pinoy na naapektuhan sa nararanasang pagbaha.
Maliban sa mga kabahayan at kabuhayan ay hindi rin nakaligtas sa pagbaha ang palaisdaan ni Winnie Adraneda sa Sylhet district dahil umapaw ito.
Huling nakaranas ng malawakang pagbaha ang Bangladesh noong 1980’s at batay sa ilang residente maitututring na ito na ang pinakamatinding pagbaha na naranasan sa bansa makalipas ang mahigit dalawang dekada.










