CAUAYAN CITY- Arestado ang isang businessman na suspek sa pagtutulak ng illegal na droga matapos itong ma korner ng otoridad sa nangyaring aksidente sa San Fermin, Cauayan City.
Ang suspek ay itinago sa alyas na Lec, 32-anyos, business man, residente ng Sinamar Norte, San Mateo, Isabela.
Batay sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, mayroong isinasagawang buy-bust operation ang PDEA R02 na target si Lec.
Nang matunugan ng suspek ang operasyon ay agad itong umalis at nakabangga ito ng isang kolong kolong na nakaparada sa outer lane sa kahabaan ng Maharlika Highway.
Ang biktima na nabangga ay kinilalang si Arsad Matuan, 28-anyos, self employed, at anak nitong 7 years old na bata na pawang residente ng San Fermin Cauayan City.
Ayon sa ulat, bibili lamang ng ulam ang mga biktima nang banggain sila ng isang Toyota Avanza na sakay ni Lec.
Nagtamo ng sugat ang bata na agad namang dinala sa Cauayan District Hospital ng mga rumespondeng kasapi ng Rescue 922.
Samantala ang suspek naman ay na korner ng otoridad sa lugar na pinangyarihan ng aksidente at pinahintulutan naman niya ang pulisya na halughugin ang kanyang sasakyan at mga kagamitan.
Nakumpiska mula sa pag-iingat ng suspek ang 2 heat sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu, may timbang na 0.7 grams na nagkakahalaga ng P1,000, isang cellphone, personal na pera, foil, ID, at iba pang personal na gamit.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek maging ang nakumpiskang ebidensya para sa pagproseso ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RIR in Physical Injury at Damage to Property.