Mariing kinondena ng National Maritime Council (NMC) ang inilabas na AI-generated video ng China Daily matapos umanong itulad ang mga Pilipino sa unggoy kasabay ng paggunita ng Pilipinas sa ika-10 anibersaryo ng arbitral ruling sa West Philippine Sea.
Ayon sa NMC, hindi naaayon sa pamantayan ng responsable at etikal na pamamahayag ang naturang video content na inilabas ng state-owned media organization ng China.
Binigyang-diin ng konseho na nananatiling matatag at hindi natitinag ang posisyon ng Pilipinas sa usapin ng West Philippine Sea, na nakabatay sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa 2016 South China Sea Arbitral Award na pumabor sa bansa.
Sinabi ng NMC na dapat pairalin ng lahat ng estado ang responsibilidad sa kanilang mga inilalabas na pahayag at nilalaman sa publiko upang maiwasan ang pagpapalaganap ng diskriminasyon, maling impormasyon at poot.
Nanawagan din ang konseho sa mga bansa na isulong ang dayalogo na nakabatay sa paggalang, dignidad at pagsunod sa umiiral na batas internasyonal.










