CAUAYAN CITY – Umabot sa humigit kumulang dalawang milyong pisong halaga ng ari-arian ang nasunog sa isang talyer at bahagi ng bahay sa Brgy. Belance, Dupax Del Norte, Nueva Vizcaya.
Ang biktima ay angg pamilya ni Jordan Ignas, apatnaput tatlong taong gulang, may-asawa, mekaniko, at residente ng nabanggit na barangay.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan sa Dupax Del Norte Fire Station napag-alaman na bago nangyari ang sunog ay nagsunog umano ang biyenang babae ng biktima ng kusot sa kusina ng bahay upang itaboy ang mga lamok.
Pagkatapos nito ay natulog na ang biyenan nang hindi pinapatay ang sinindihan niyang kusot.
Dahil gawa sa light materials ang kusina at madaling masunog ang kusot ay agad na lumaki ang apoy at tinupok ang kusina ng bahay.
Dito na umano lumipat ang apoy sa talyer na malapit lang sa kusina kung saan nakaparada ang limang sasakyan na kasalukuyang inaayos.
Sinubukan pa umano ng pamilya na apulahin ang sunog subalit masyado nang malaki ang apoy dahilan kaya’t natupok ang mga sasakyan at ilang mga gamit.
Ayon sa mga biktima tinatayang aabot sa humigit kumulang dalawang milyong piso ang nasunog.
Kaagad namang ipinaalam ang pangyayari sa Dupax Del Norte Fire Station na kaagad namang rumesponde at inabot pa ng higit isang oras bago idineklarang fire out ang sunog.
Maswerte namang walang nasugatan sa pangyayari dahil nakalabas kaagad ng bahay ang mga biktima.











