CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang lalaki matapos na bumangga ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang Cargo truck sa Bypass Road, Brgy. Arcon, Tumauini, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Police Chief Master Sgt. Arnel Gazzingan, chief ng investigation section ng Tumauini Police Station na ang biktima ay si Arnel Estabillo, dalawampu’t apat na taong gulang at residente ng Bayabo East, Tumauini, Isabela.
Kinilala naman ang tsuper ng ISUZU 6×6 Cargo truck na si Cornelio Jr. Laciste Binalay, apatnapu’t siyam na taong gulang, may asawa at residente ng Marana 1st, City of Ilagan, Isabela.
Sa kanilang pagsisiyasat ay patungo sa South direction ang motorsiklo habang ang Cargo truck ay papatawid sa National Highway at patungo rin sana sa timog na direction para magdeliver ng tubo.
Aniya, mabilis ang takbo ng motosiklo na naging dahilan para magtamo ng malubhang sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima at humiwalay pa sa katawan nito ang kanyang kanang paa.
Buhay pa naman aniya ang biktima nang dinala sa pagamutan subalit binawian din ng buhay.
Napag-alaman naman na positibo sa alak ang biktima nang mangyari ang aksidente.
Ayon kay Police Chief Master Sgt. Gazzingan, ang may pagkukulang sa aksidente ay ang Cargo truck kaya payo niya sa mga motorista na kung tatawid sa kalsada ay dapat tingnang mabuti ang kaliwa’t kanan kung walang paparating bago pumasok.
Sa ngayon ay nagkausap na rin ang dalawang panig at nagkaaregluhan na lamang dahil wala namang may gusto sa pangyayari.
Muli silang nagpaalala sa mga motorista na iwasang magmaneho ng nakainom para makaiwas sa ganitong insidente.











