--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang lalaki matapos mabangga ng pampasaherong bus ang sinasakyan niyang motorsiklo sa national highway na bahagi ng Brgy. Victory Norte, Santiago City.

Ang nasawi ay ang tsuper ng motorsiklo na si John Rae Francisco, dalawamput isang taong gulang at residente ng Brgy. Sagana, Santiago City.

Wala namang tinamong sugat ang tsuper ng Florida Bus na si Ronilo Dumadag, limampung taong gulang at residente ng Brgy. Iringan, Allacapan, Cagayan.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan napag-alaman na patungo sa timog na direksyon ang bus samantalang galing naman sa silangang direksyon ang motorsiklo at papasok sa national highway.

--Ads--

Nang makarating sa pinangyarihan nang insidente ay bigla umanong sumulpot ang motorsiklo sa national highway at sakto namang paparating ang bus na naging dahilan nang pagbangga.

Sa lakas ng pagbangga ay nakaladkad pa ang biktima ng halos ilang metro na naging dahilan nang kanyang pagkasugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Sinubukan pa siyang itakbo sa pagamutan ng mga rumespondeng rescuer subalit idineklara na siyang dead on arrival ng kanyang attending physician.

Ayon sa pulisya posible umanong hindi napansin ng tsuper ng bus ang pagpasok ng motorsiklo sa national highway na naging dahilan nang insidente.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Santiago City Police Office Traffic Enforcement Unit ang tsuper ng bus at siya ay posibleng maharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property.

Hinihintay naman sa ngayon nang pulisya ang pag-uusap ng magkabilang panig.

Naipagpatuloy naman ng mga pasahero ang kanilang biyahe matapos silang ilipat sa ibang bus.