--Ads--

CAUAYAN CITY – Dinagdagan na ng Philippine Consulate ng limang mga vote counting machines (VCMs) ang isinasagawang absentee voting ng mga Pilipino sa Hong Kong.

Ayon kay Bombo International News Correspondent MJ Lopez, nasa 10 na ang kabuuang VCM na gagamitin sa kada presinto sa Kennedy Town Center para sa pagboto ng mga Pilipino.

Aniya, noong nakaraang linggo ay marami ang hindi nakaboto at napilitang umuwi dahil sa napakahabang pila kaya umaasa sila na ngayong nadagdagan na ang VCM ay maaaccommodate na ang mas maraming bilang ng botante.

Tuwing linggo lamang maaaring lumabas ang mga domestic helpers sa Hong Kong kaya ito ang kinukuha nilang pagkakataon upang makaboto.

--Ads--

Nasa halos siyamnapung libo pang botante ang hindi pa nakakaboto kaya inaasahang dadagsain na naman ang center sa araw ng linggo.

Magsisimula ang pagboto sa oras na alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon at wala itong ekstensyon.

Umaasa ang mga botante na makakaboto na sila sa susunod na linggo dahil kung hindi pa rin ay may ibang magsasawa na sa pagpila at pipiliing hindi na lamang boboto.

Sinabi ni Lopez na napakahigpit ng mga pulis sa Hong Kong kaya maaaring kapag dagsaan na naman ng maraming botante ay haharangin na naman sila sa pagpila dahil sa nalalabag na health protocols.