--Ads--

CAUAYAN CITY – Dinakip ng pulisya ang isang ama na gumahasa sa tatlo nitong anak sa Dupax Del Sur, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jolly Villar, Information Officer ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, sinabi niya na nagsagawa sila ng manhunt operation para madakip ang akusado na unang nasampahan ng kaso matapos na magsumbong sa kinauukulan ang tatlo nitong anak na kanyang ginahasa ng ilang beses.

Ayon kay PMaj. Villar, ilang ulit na ginahasa ng akusado ang kanyang tatlong anak na ang panganay ay labing limang taong gulang habang ang pinakabata ay siyam na taong gulang.

Batay sa kanilang pagsisiyasat, Hunyo ng nakaraang taon ng sunud-sunod na ginahasa ng ama ang kanyang tatlong anak na hindi kaagad nakapagsumbong sa kinauukulan dahil sa takot.

--Ads--

Nang makapagsumbong na ang mga biktima sa kanilang ina ay agad silang nagtungo sa pulisya para magsampa ng kaso.

Hindi naman agad na nahuli ang akusado dahil hinintay munang ilabas ng korte ang warrant of arrest nitong huling araw ng Abril kung saan agad namang nagsagawa ng manhunt operation ang pulisya laban sa akusado na tinaguriang No. 2 most wanted provincial level.

Sa ngayon ay nakapiit na ang akusado sa Dupas Del Sur Police Station at hinihintay na lamang ang kanyang commitment order para mailipat sa Bureau of Jail Management and Phenology o BJMP.

Ayon kay PMaj. Villar, bulubunduking bahagi na sa Dupax Del Sur ang lugar na tinitirhan ng pamilya.

Pinaalalahanan niya ang mga magulang na bantayan ng mabuti ang mga anak lalo na kung nasa liblib na lugar upang maiwasan ang ganitong pangyayari.