CAUAYAN CITY – Isang OFW na nasa border ng Lebanon ang lumikas na sa ibang lugar dahil sa lumalalang tensyon sa pagitan ng Hezbollah at Israel.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Mae Romagos, na dati siyang nasa malapit sa border ng Lebanon at Israel ngunit dahil sa mga nangyayaring sagupaan ay lumipat siya sa ibang lugar.
Bagamat tila nasanay na rin siya sa mga nangyayaring sagupaan dahil halos araw araw ay nakakarinig siya ng mga putok ng baril at pagsabog sa border ay natakot na rin siya nang mapansin na lumala ang mga sagupaan.
Aniya kung dati ay isa hanggang tatlong rocket ang pinapalipad sa isang araw ngayon ay mas marami na at halos oras oras ay may putukan.
Walang pamahalaan ang lebanon mula pa noong 2019 nang mangyari ang pagsabog sa port ng Beirut kung saan marami ang nasawi.
Mula noong 2019 ay hindi pa rin nakakabangon ang ekonomiya ng Lebanon kaya inaasahan nilang malaki ang epekto ng mga nagaganap na giyera lalo na sa mga mamamayan.
Bagamat may kaguluhan ay ligtas naman aniya ang mga pilipino sa nasabing bansa dahil una nang nag-abiso ang embahada ng Pilipinas sa mga Pinoy doon na umiwas sa mga lugar kung saan nangyayari ang mga giyera maging mga demonstrasyon.
Sa mga border ay maraming residente na ang nawalan ng bahay at napilitang lumikas dahil sa giyera.
Una nang inihayag ni Lebanese Foreign Minister Abdallah Bou Habib na walang planong pakikidigma ang Hezbollah ngunit nakadipende ito sa mangyayari sa Gaza na kasalukuyang sinasakop ng Israel.
Ang Hezbollah na suportado ng Iran ay mas pinaigting pa ang roket attaks sa border ng Israel sa mga nakalipas na araw.










