CAUAYAN CITY – Hindi pa rin nahahanap ang US Army reservist na itinuturong salarin sa naganap na mass shooting sa Lewiston, Maine, Estados Unidos.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Jon Melegrito nasa labing walong katao na ang nasawi habang labintatlo naman ang nasugatan sa nasabing mass shooting sa isang restaurant at bowling alley.
Patuloy namang pinaghahanap ang suspek na si Robert Card, US Army Reservist at isang certified firearms instructor at armado ng baril.
Ilang daang mga awtoridad na rin ang ipinakalat upang mahanap ang pinaghihinalaan habang ang mga residente ay halos wala nang lumalabas sa kanilang bahay matapos ang ipinatupad na shutdown ng pamahalaan.
Aniya ito na ang pang tatlumput pitong mass shooting sa Estados Unidos na itinuturong dahilan ay ang napakaraming suplay ng baril sa merkado.
Ipinag-utos na rin ni Pangulong Joe Biden na ilagay sa half mast ang mga watawat bilang respeto at pakikidalamhati sa mga nasawi sa mass shooting.
Tinawagan na rin ng pangulo ang bagong speaker ng US Congress na si Michael Johnson para sa pagsisimula muli ng sensible gun ownership legislation.
Batay sa pag iimbestiga ng pulisya automatic rifle ang ginamit ng salarin sa mass shooting at kung titingnan ang sitwasyon ng gun ownership sa Maine ay napakiliberal dahil kailangan ng permit upang magkaroon ng baril ang isang indibidwal.
Una nang nagkaroon ng mass shooting sa Maine noong buwan ng Abril kung saan apat ang nasawi at tatlo ang nasugatan.










